Fri, 07 Aug 2020

Health, safety standards sa dentist clinics, pinatututukan ng DILG

Philippine Information Agency
13 Jul 2020, 16:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, July 13 (PIA) -- Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na siguraduhing ang mga dentista sa kanilang nasasakupan ay magsusuot na personal protective equipment (PPE) at ang kanilang klinika ay sumusunod sa health and safety standards na ipinalabas ng Department of Health (DOH).

Ito ay upang makasiguro na ang mga dental health professionals at kanilang mga pasyente ay hindi malantad sa panganib na magkasakit ng COVID-19,

"Sa pagpapagawa ng dental procedures, magkalapit ang dentista at pasyente. Kaya lalong dapat magsuot ng PPE ang mga dentist para sa kanilang kaligtasan at ng kanilang mga pasyente," ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Ano.

Sinabi pa ng DILG Chief na ang pagsasagawa ng dental treatments at services at ang hindi maiiwasang pagiging malapit sa ilong at bibig ng pasyente ay naglalagay sa dentist sa panganib na magkaroon ng impeksyon.

Sa isang advisory na ipinalabas para sa mga LGUs, sinabi ni Ano sa mga gobernador at mayors na kailangang i-require ang mga oral health professionals na sumunod sa Philippine Dental Association (PDA) Interim Guidelines on Infection Prevention sa panahon ng COVID-19 pandemic para magabayan ang mga dentista sa kanilang operation sa "new normal".

"Sa gitna ng pagpupursigi ng bansa na hindi kumalat ang virus, hindi natin dapat ipag-walang bahala itong dental health. Itinuturing ng DILG na mahalaga rin ang dental health sa pangkabuoang kalusugan," sabi pa nito.

Samantala, sinabi ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan E. Malaya na ang PDA guidelines ay nagsasaad ng mga hakbang at pag-iingat na dapat gawin ng mga dental clinics, katulad ng patient screening, paghahanda ng dental facility team at standard layers of defense laban sa COVID-19 kasama na ang waste management ng mga hazardous wastes.

"Sa pagbubukas ng ekonomiya, umaasa ang DILG sa mga LGUs na maayos na pangasiwaan ang dental health sector sa kanilang lokalidad upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan. Mahalaga ang oral health sa kabuoang kalusugan ng mga mamamayan," sabi ni Malaya.

Pag-schedule ng Pasyente

Sa mga appointment mg pasyente, nirekomenda ng PDA ang two-phase triage. Una, dapat i-screen ng dental clinic sa pamamagitan ng pagtawag sa pasyente upang malaman kung kagyat ang pangangailangan ng pasyente, kugn saan nakatira ang pasyente, at kung nagkaroon ng pakikisalamuha sa confirmed COVID-19 patients. Dapat ipaalam naman sa pasyente ang treatment options gayundin ang infection control protocols ng klinika.

Pangalawa, sa araw ng appointment, dapat may questionnaire checklist para sa symptoms at contact exposure na sasagutin ng pasyente na kanyang pipirmahan na may pagsang-ayon sa treatment options at waiver forms. Kailangang naka-scheudle ang pagbisita sa kilinika maliban na lamang kung emergencies. Ito ay para bigyan ng puwang ang schedule ng mga pasyente at magkaroon ng oras para sa disinfection ng klinika.

Bago ang face-to-face consultation, pinaaalahanan ng PDA ang mga dentista na magsagawa ng imbentaryo ng mga PPE supplies at mag-schedule lang ng appointment sa pasyente kung may sapat na PPEs.

Ang mga dental clinics ay dapat may mga paalala na magsuot ng mask, huwag hawakan ang mukha, maghugas ng kamay, cough etiguette at physical distancing.

Inirerekomenda sa mga dental clinics na buksan ang mga bintana o gumamit ng mga air ventilator. Ang layunin nito ay ibaba ang aerosolized air upang masipsip palabas ng klinika.

Sa PDA guidelines, dapat paalalahanan ng dentista ang pasyente na sasailalim sa aeorosol-generating procedures na kailangang magpakita ng valid test ng RT-PCR (Reverse transcription-polymerase chain reaction) COVID-19 na hindi hihigit sa limang araw na aprubado ng Department of Health. (PIA NCR)

More Malaysia News

Access More

Sign up for Malaysia News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!